Thursday, December 07, 2006

PANGHAKROY


Meron nga ba?

Maraming mga bagay at karanasan sa aking buhay
na biglang bumabalik sa aking isipan…
nagdudulot ng kakaibang pintig sa dibdib…
damdamin na nagpapadaloy ng luha sa mata…

Bakit nga ba?...
Aah! Dahil ako lamang ang nakapagbibigay
ng kahulugan sa bawat karanasan na ito…

Ang lalim ng pagtimo sa puso at isipan ko ay akin lamang…
lalim na ni minsan ay di maintindihan,
hangga’t di maibabahagi, maikwento…
lalim ng aking pagkatao—
ng aking damdamin, puso at isipan…

Marami,
sunod-sunod na pumapasok sa isip…
nagdadala ng kung anong delubyo sa dibdib…
gusto kong sumigaw!…
subalit ni isang kataga di man lamang mabitawan…
di man lamang masimulan ang kuwento…

Di man lamang…
dahil wala namang nagtatangkang magtanong…
wala naman yatang gustong makinig…
Meron nga ba?...
***



Diliryo

Sabay sa ingay ng mundo
Dala ng gulo at bilis ng takbo ng buhay
Natangay ako sa ihip ng delubyo


Namataan ang aking sarili
Nasa gitna ng pangyayaring
‘Di ko wari’y masadlakan


Subalit sa hinahantungan
Ako ay nagpadaop
Tinikman sumandali and silaw
Ng kung anong kumikinang

Sa kalaunan tumambad sa ’kin
Ang tunay na kalagayan
Ako ay nasadlak sa mapagkunwaring
kapalaran

Nagising sa katotohanan
Biglang nabaling ang ulirat
Sa kung anong dapat
Mamuhay sa katotohanang aking taglay
At huwag muling pasakop sa silaw ng diliryo.
***

LAYA

Ba’t natanong mo sa’kin yun?
Di pa ba halata?
O meron pang mas malalim na nakikita?

Di maarok ng aking isip
Kaya…
Sa puso’y itanong
Baka sakali ito’y may tugon

Sagot nga’y nabigkas...
Sabay sikip ng dibdib,
Kalabog ng kaba,
Daloy ng luha,
Sidhi ng galit
Pagkat sa puso’y matagal ng tinipon
Ng maraming taon

Damdami’y di inamin
Hinayaang mabaon
Kaya’t naibulalas
Sa tawag ng pagkakataon


Ibinuhos ng todo
hangga’t mamaos
mugto ang mata
pawisan, patang-pata

subalit dala nitong lahat ay LAYA.
***
Samo

Handog ang sarili
Tangan-tangan ang kahinaan, kasalanan at
kakulangan
Di alintana ang lahat
Sa pagsamo buong-puso’ng alay ko

Bukas palad at buong-kalooban
pagtanggap mo
Ito ang tukoy ko
‘Pagkat ito ang pangako mo
Wala ka nang nais pa
Kungdi ang pagbabalik-loob ko

Panahon man ng kasalatan o kasaganaan
Nananatili kang tapat sa ‘yong kasunduan
Di mo ko iniwan at gabay ka sa kadiliman

Kamay at bisig handing iluom
Sa kasalatan at kabuluka’y
pagkatao ko’y pinawi
Wala nang nanaisin pa
Kungdi ang mapalapit sa ‘Yo

Sa marupok at mapusok na katauhan
Sa’king kinasadlakang kadiliman… Pagsamo ko lang sa ‘yo
Puso ko’y iyong pinuno.
***

0 Comments:

Post a Comment

<< Home